Villanueva positibo sa malilikhang trabaho ng “big ticket projects” ng administrasyon
By Jan Escosio August 11, 2023 - 07:59 AM
Kumpiyansa si Senate Majority Leader Joel Villanueva na makakabawi ang employment rate sa bansa sa darating na panahon bunga na rin ng sisimulang “big ticket projects” ng administrasyong-Marcos Jr. Kasama na dito aniya ang mga ipinangakong pamumuhunan sa Pilipinas mula sa mga pagbisita ni Pangulong Marcos Jr. sa ibang bansa. Sinabi ito ni Villanueva kasunod nang pagbaba ng bilang ng mga may trabahong Filipino noong Hunyo na 95.5% mula sa 95.7 noong Mayo. Aniya marami naman dahilan ng kawalan ng trabaho at dito aniya sa Pilipinas ay depende din sa panahon ang mga trabaho. Kabilang din sa dahilan ay ang makabagong teknolohiya kayat diin niya dapat ay nagsasagawa ng “upskilling, reskilling at retooling” ang mga manggagawa bilang paghahanda sa kinabukasan. Banggit ng senador, ito ang pangunahing dahilan kayat itinutulak niya ang komprehensibong National Employment Master Plan para mapalakas pa ang mga polisiya sa pagta-trabaho sa mga polisiyang pang-ekonomiya. Ikinatuwa niya ang lumawak na suporta sa Trabaho Para sa Bayan Act ng mga lokal na pamahalaan, maging kay Pangulong Marcos Jr., na nangako na agad itong pipirmahan upang maging batas kapag umabot na ito sa Malakanyang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.