Hindi na nagpigil ang mga senador at inilabas ang matinding saloobin ukol sa malawakang pagbaha sa Central Luzon at Metro Manila bunga ng nagdaang dalawang bagyo at epekto ng pagbaha.
Sinabi ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., ang namumuno sa Senate Committee on Public Works at nanguna sa imbestigasyon, na ilang dekada nang paulit-ulit ang mapaminsalang pagbaha, na lubos na nagpapahirap sa mga Filipino.
Aniya ang masakit para sa mamamayan ay tila hindi lubos na nag-aalala ang mga kinauukulang opisyal kayat hindi maitatanggi ang pakiramdam ng taumbayan na sila ay pinabayaan na ng gobyerno.
“Pakiramdam nila, habang sinusuong ang mga kalsadang lubog sa tubig-baha, sa kabila ng peligro na tumataas na bilang ng mga kaso ng leptospirosis, ay inabandona na sila at pinababayaang malunod sa panganib,” diin ni Revilla.
Si Senate Majority Leader Joel Villanueva nagpahiwatig na ng labis na kahihiyan sa kanyang mga kababayan sa Bulacan, dahil nagmumuka siyang walang ginagawa.
Aniya 2016 nang maupo siya bilang senador pa hiniling na niya sa mga kinauukulang ahensiya na pag-aralan ang puno’t dulo ng mga pagbaha at nagbuhos na ng malalaking pondo para sa mga pag-aaral at proyekto, ngunit makalipas ang pitong taon ay wala halos nagbago.
Si Sen. Christopher Go hiningi sa mga ahensiya ng kanilang “accomplishment report” kaugnay sa kanilang anti-flooding projects, sabay banggit na humigit-kumulang na kalahating trilyong piso na ang nailabas simula sa panahon pa ng administrasyong-Duterte hanggang ngayon taon.
Si Sen. Cynthia Villar nabanggit na lubos-lubos ang ginagawa nila sa lungsod ng Las Pinas upang hindi mabaha ngunit dahil sa pagpayag aniya sa reclamation projects ay nababarahan sa Manila Bay ang pagdaloy ng tubig sa kanilang mga ilog.
Si Sen. Imee Marcos, hiniling ang presensiya ng mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources at ng Department of Human Settlement and Urban Development sa susunod na pagdinig para makapagpaliwanag din sa kanilang mga ginagawang hakbang.
Dumalo at naglabas din ng kanilang saloobin sa pagdinig sina Deputy Majority Leader JV Ejercito, Sens. Francis Tolentino, Jinggoy Estrada Robinhood Padilla at Raffy Tulfo.
Samantala, sinabi ni Public Works Sec. Manuel Bonoan na may mga ginagawa ng hakbang, tulad ng dredging at desilting sa mga ilog, para maibsan ang pagbaha sa Central Luzon sa utos na rin ni Pangulong Marcos Jr.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.