Ayon sa PAGASA, dalawang LPA ang kanilang minomonitor ang isa ay huling namataan sa 435 KM West ng Iba, Zambales o nasa bahagi ng West Philippine Sea at ang isa ay nasa labas pa ng PAR at huling namataan sa 1,620 KM East ng Mindanao.
Ayon sa 11AM advisory ng PAGASA, ang LPA na nasa Silangang bahagi ng Mindanao ay inaasahang papasok sa bansa at magiging ganap na tropical depression sa susunod na 24 na oras.
Nakapaloob umano sa Inter Tropical Convergence Zone o ITCZ ang nasabing LPA at makapaghahatid ng katamtamang pag-ulan sa bahagi ng Palawan, Visayas at Mindanao.
Sakaling tuluyan na ngang maging bagyo ang LPA at makapasok ng bansa ay ito ang kauna-unahang bagyo sa bansa mula nang ideklara ng PAGASA ang pormal na pagpasok ng wet season.
Papangalanan itong Ambo sa sandaling ma-develop na bilang bagyo.
Ang LPA naman sa West Philippine Sea ay maaring wala na sa loob ng PAR kapag naging ganap na bagyo at patungo na ng Vietnam.