Barangay on-site registration ikinasa ng More Power sa pagbibigay ng electricity lifeline rate subsidy
By: Chona Yu
- 1 year ago
Sa hangarin na maabot ang mas maraming Pantawid Pamilyang Pilipino Program(4Ps) members at marginalized sector, nagdeploy ng kanilang personnel ang More Electric and Power Corporation(More Power) sa mga barangay para tumanggap ng aplikasyon para mabigyan ng diskwento sa singil sa kuryente o ang lifeline rate subsidy sa ilalim ng Epira Law.
Ayon kay More Power President at CEO Roel Castro layon ng kanilang ginawang hakbang na matiyak na mas mapalapit sa marginalized group ang lifeline rate subsidy at marami ang maka-avail nito.
“In addition to accepting applications in our office, we also deploy personnel to barangays for on-site registration”pahayag ni Castro kung saan hanggang nitong Agosto 2 ay nasa 1,519 aplikasyon na ang kanilang natatanggap mula sa 42 barangay.
Inabisahan nito ng mga consumers na palagian lamang bisitahin ang kanilang official Facebook page para sa petsa at lugar ng barangay on-site registration.
Ang full rollout ng aplikasyon para sa subsidy ay pinalawig ng DOE hanggang sa buwan ng Setyembre dahil sa mababang turnout ng aplikasyon.
“There are 4.2 million household beneficiaries of 4Ps, and the registration for lifeline subsidy remains very low. Only those who register will continue to receive a reduction in their electricity bills beginning August 2023,”nauna nang pahayag ni Energy Secretary Raphael Lotilla.
Hinimok ni Castro ang mga eligible applicants na samantalahin ang maaaring makuha na diskuwento lalo at mas pinalapit na ng More Power sa mga residente ang aplikasyon.
Sa ilalim ng bagong polisiya ng Enhanced Lifeline Subsidy na ipinalabas ng Department of Energy(DOE), Department of Social Welfare and Development(DSWD) at Energy Regulatory Commission(ERC), ang mga 4Ps members gayundin ang marginalized sector na kumukunsumo ng mas mababa sa 100Kwh kada buwan ang eligible na sa subsidy.
Sa mga 4Ps members kailangan lamang na magsumite ng application form, latest electricity bill, Government issued ID at 4Ps ID, sa mga marginalized end user o ang household na may 5 miyembro subalit mayroon lamang pinagsamang buwanang kita na P12,030 ay maaari din na mag-apply ng lifeline subsidy, maliban sa naunang requirements, kailangan lamang na magsumite ng sertipikasyon mula sa local Social Welfare Development Office (SWDO) na nagpapakita ng kanilang family income ay mababa sa poverty threshold na itinakda ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ang discount rate ay depende sa kunsumo, nasa 10 percent discount kung ang gamit na kuryente ay nasa 81 kWh hanggang 95 kWh, 20 percent kung 71kWh hanggang 80kWh, 35 percent naman sa kumukunsumo ng 61 kWh hanggang 70kWh, 45 percent kung 51 kWh hanggang 60kWh, 50 percent sa nakakagamit ng 21kWh hanggang 50 kWh, at 100 percent discount kung 20kWh o mababa pa ang buwanang kunsumo sa kuryente.
Samantala, nagpatupad na ng kanilang ikatlong tranch ng Bill Deposit Refund ang More Power, nasa P173,000 ang refund na ibinigay ng distribution company sa may 28 eligible consumers nito alinsunud sa itinatakda sa Magna Carta for Residential Electricity Consumers.
Isa sa nakatanggap ng refund ay si Ginang Violeta Evangelista Tiangson, aniya, blessing nyang maituturing ang nakuhang refund na ipambibili nya ng vitamins sa kanyang anak na kidney transplant recipient.
Ang mga consumers na walang palya sa pagbabayad ng kanilang electric bill sa loob ng 36 buwan ay maaaring makakuha ng bill deposit refund.
Una nang sinabi ni Castro na hanggang sa pagtatapos ng 2023 ay nasa P5 million ang nakatakda nilang irefund na Bill deposit sa kanilang consumers.