Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ipaglalaban niya ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Kasabay nito, inanunsiyo niya na nagpadala na ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng “note verbale” sa China kaugnay sa paggamit ng water cannon ng Chinese Coast Guard sa Philippine Coast Guard vessel, na kasama ng isang supply ship, sa Ayungin Shoal.
Sinabi din ng Punong Ehekutibo na patuloy din na tatalima ang Pilipinas sa mga pandaigdigang batas, gayundin ang pakikipag-usap sa China para sa maayos na pagresolba sa isyu.
“We continue to assert our sovereignty. We continue to assert our territorial rights in the face of all of these challenges and consistent with international laws and UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea), especially. That has always been our stand,” ayon kay Marcos sa pagbisita niya sa Bulacan.
Pagbabahagi pa niya, dinala ni Foreign Affairs Sec. Enrique Manalo ang “note verbale” kay Chinese Amb. Huang Xilian at ipinapanood pa sa huli ang videos at ipinakita ang mga larawan ng insidente.
Nagtungo sa Bulacan si Pangulong Marcos Jr., para alamin ang sitwasyon sa lalawigan na lubhang naapektuhan ng pagbaha at nakaharap niya ang mga lokal na opisyal.
Namahagi din ang Punong Ehekutibo ng tulong sa mga lokal na pamahalaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.