Upang hindi pagdududahan ang isasagawang imbestigasyon, inalis muna sa puwesto ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang ang dalawa sa kanyang matataas na opisyal.
Kinilala ang dalawa na sina Deputy Director General for Administration and Davao Prison and Penal Farm (DPPF) chief, C/Supt. Geraldo Aro, at Deputy Director General for Operations and Head Executive Assistant (HEA) Angelina Bautista.
Iimbestigahan ang dalawang opisyal base sa mga isyu na ibinahagi ni Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez sa pagdinig ng pinamumunuan niyang House Committee on Public Order and Safety ukol sa mga isyu sa kawanihan.
Ayon kay Fernandez si Aro ay napabilang sa “drugs watchlist” ni dating Pangulong Duterte, samantalang si Bautista naman diumano ang nakakuha ng P21-million food catering contract para sa pagkain ng mga person derpived of libwerty (PDL) sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City.
Samantala, sinabi ni Bautista na siya na ang humiling kay Catapang na alisin muna siya sa puwesto upang hindi pagduduhan ang pag-iimbestiga sa kanya at para na rin malinis ang kanyang pangalan.