Sen. JV Ejercito pinabubuhay ang emergency bays para sa riders tuwing tag-ulan
By: Jan Escosio
- 1 year ago
Hiniling ni Deputy Majority Leader JV Ejercito na mabuksan muli ang emrgency bays sa mga lansangan upang may masilungan ang motorcycle riders tuwing umuulan.
Ito naman aniya ay upang makapagsuot ng kapote ang motorcycle riders.
Ayon kay Ejercito, isa ito sa mga maaring solusyon sa mga argumento ukol sa pagbabawal ng Metropolitan Manila Develiopment Authority (MMDA) sa motorcycle riders na sumilong sa footbridges at overpass kapag inabot ng ulan sa biyahe.
Nilinaw naman ng senador na naiintindihan niya ang posisyon ng MMDA sa pagpapatupad ng polisiya dahil nakakaapekto talaga sa daloy ng trapiko kapag nagtipon-tipon ang sumisilong na motorcycle riders sa isang lugar.
Ngunit dagdag ni Ejercito nauunawaan din niya ang motorcycle riders sa pagpalag sa P1,000 multa lalo na para sa delivery riders.
Kailangan aniya ng malawakang education campaign para sa mga motorcycle riders na magpapaalala sa kanila na paghandaan ang bawat pagbiyahe.
Nais din ni Ejercito na maibaba sa P100 – P200 ang multa na nais ng MMDA.