Nasagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang 67 na katao matapos lumubog ang sinasakyang bangka sa karagatang sakop ng Barangay Macnit, Polillo, Quezon.
Ayon sa PCG, umalis ng 10:00 kaninang umaga ang pampasaherong Motorbanca Jovelle Express 3 sa Patnanungan Port at patungo sana ng Real, Quezon nang masira ang unahang bahagi ng bangka matapos aksidenteng tumama sa isang hard material.
Agad na lumubog ang kalahati ng bangka.
Nasa 60 pasahero at pitong crew ang sakay ng bangka.
Ayon sa PCG, nasa 33.8 gross tonnage ang barko nang umalis sa Patnanungan.
Sapat naman ang lifevest sa mga pasahero at maayos ang lagay ng panahon bago umalis ang bangka.
Nasa maayos na lagay naman ang mga pasahero at dinala na sa barangay hall sa Barangay Macnit, Polillo.
Walang naiulat na nasawi o nawawala matapos ang insidente.