Mga dating opisyal ng LWUA, tinambakan ng mga kasong graft at malversation

 

Mahaharap sa kabuuang 1,327 counts ng kasong graft at malversation ang mga dating opisyal ng Local Water Utilities (LWUA).

Ito ay dahil sa pag-reimburse ng mga sobra-sobra at kakaibang gastusin para umano sa mga pagpupulong, entertainment at public relation activities na aabot sa halos P13 million.

Kakasuhan ng Office of the Ombudsman si dating LWUA Administrator Lorenzo Zamora ng 150 counts ng graft and malversation, at 1,117 counts naman sa iba pang ehekutibo sa Sandiganbayan.

Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio Morales, iligal ang paniningil ng mga opisyal para sa mga umano’t ginastos nila para sa mga meetings, seminars, conferences, official entertainment at public relations noong 2006 dahil hindi sila nag-bigay ng resibo.

Sumobra pa aniya ang mga ginastos ng mga opisyal sa budget na pinahihintulutan lamang ng Department of Budget and Management.

Na-disallow umano ng Commission on Audit (COA) ang mga sinisingil na reimbursement ng mga opisyal na nagkakahalaga ng mula sa P230,000 hanggang P986,536 sa pamamagitan ng paglalabas ng notice of disallowance noong 2009.

Napag-alaman kasi ng COA na nag-reimburse ang mga opisyal ng LWUA ng P12,879,337.77 sa pamamagitan lamang ng pagsusumite ng pro forma certifications of expenses sa halip na mga resibo.

Ani pa Morales, napatunayan dioto na nag-sinungaling ang mga opisyal sa isang public document para lang mailihis ang pondo, at isa rin aniya itong malinaw na gross inexcusable negligence.

Nakitaan rin ng Ombudsman ang 33 opisyal ng pagiging guilty sa mga kasong administratibo kabilang na ang dishonesty, grave misconduct at falsification of official documents.

Bukod dito, hindi na rin sila maaring manungkulan sa anumang posisyon, sa anumang ahensya ng pamahalaan kailanman.

Read more...