Tiwala sa anti-flood programs ng gobyerno nilunod na ng mga pagbaha – Villanueva

JOEL VILLANUEVA FB PHOTO

Duda na si Senate Majority Leader Joel Villanueva na maniniwala at pagtitiwalaan pa ng mamamayan ang gobyerno sa isyu ng mga proyekto kontra sa baha.

Pagbabahagi ni Villanueva, kalunos-lunos ang kanyang nasaksihan sa mga lubog sa baha na mga lugar sa Bulacan nang maghatid siya ng tulong kahapon. Aniya maging siya ay maaring hindi na rin paniwalaan at pagtiwalaan ng kanyang mga kababayan sa Bulacan kung igigiit niya na gumagana ang flood-control projects ng pamahalaan. Diin nito, taon-taon na lamang ay palala nang palala ang sitwasyon sa kabila ng pagbuhos ng bilyong-bilyong piso sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno para masolusyonan ang pagbaha. Puna nito, maging ang mga lugar na dati naman na hindi binabaha ay lumulubog na rin sa tubig kapag malakas nag pag-ulan. Naniniwala si Villanueva na panahon na para bumuo ang isang “integrated anti-flood master plan” na seryosong ikakasa ng mga ahensiya at mga lokal na pamahalaan. Sinegundahan naman siya agad ni Senate President Juan Miguel Zubiri na nagpahayag din ng kanyang pagkabahala sa lawak ng mga binahang lugar gayung isang bagyo at habagat lamang ang nagdaan. Pagbabahagi na rin ni Villanueva na sa susunod na linggo ay isasagawa na ang pagdinig para malaman kung ganap na naipapatupad at kung epektibo ang anti-flood control projects.

Read more...