Hontiveros nabahala sa pagkakaligtas muli sa isang Pinay sa POGO hub
By Jan Escosio August 02, 2023 - 07:18 PM
Labis na ikinagulat at ikinabahala ni Senator Risa Hontiveros ang pagkakaligtas sa isang Filipina mula sa isang cyberscam center sa Pasay City.
Nabatid na ang Filipina, na una nang nailigtas sa sindikato na sangkot sa crypto currency scam sa Myanmar, ay kabilang sa 650 na nailigtas sa naturang “scam center” ng Rivendell Gaming Corp. Nalaman ito ni Hontiveros sa pagdinig ng pinamumunuan niyang Committee on Women ukol sa human trafficking. Isinagawa ang operasyon ng mga operatiba ng Department of Justice Inter-agency Council Against Trafficking ( DOJ-IACAT), National Bureau of Investigation Anti-Human Trafficking Division ( NBI- AHTRAD), PNP Women’s and Children Protection Center ( PNP- WCPC) at Presidential Anti-Organized Crime Commission ( PAOCC). Nabatid na natukso ang Filipina na muling maging POGO worker dahil sa tukso ng malaking suweldo. Kayat kinalampag ng senadora ang gobyerno na solusyonan ang kahirapan dahil ito ang nagiging ugat para sa mga Filipino na maging biktima ng mga sindikato. Nadiskubre naman sa operasyon na sa limang palapag na gusali ng POGO, isang palapag lamang ang legal ang operasyon at ang natitirang apat ay ginagamit na sa mga ilegal na aktibidad, gaya ng love scam at crypto currency. Kayat diin ni Hontiveros singilin na agad ang POGOs sa kanilang mga pagkakautang sa buwis at agad ipagbawal sa bansa.Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.