Mga posibleng iregularidad sa pagpapatupad ng MisOcc mayor suspension nasilip sa Senate probe

May ilang maaring iregularidad na napuna ang ilang senador sa pagpapatupad ng suspension order kay Bonifacio, Misamis Occidental Mayor Samson Dumanjug.

Nalaman ito sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order, sa pamumuno ni Sen. Ronald dela Rosa, na siya rin naghain ng resolusyon para maimbestigahan ang sinasabing pang-aabuso at pananakit kay Dumanjug.

Lumitaw sa pagdinig na mga tauhan ng Provincial Risk Reduction and Disaster Management Office ang nagpatupad ng suspension order kay Dumanjug at sa misis nitong si Vice Mayor Evelyn Dumanjug noong Hunyo.

Ito ay sa kabila ng presensiya ng mga pulis at sundalo sa munisipyo.

Kinuwestiyon nina dela Rosa at Sen. Jinggoy Estrada ang pagsisilbi ng sibilyan sa halip ng mga awtoridad ng suspension order.

Pinuna din ng dalawang senador ang labis-labis na puwersa sa sapilitang pagpapaalis kay Mayor Dumanjug sa munisipyo gayundin ang hindi makataong pag-aresto sa kanya.

Nabatid na itinali ang mga kamay at mga paa ng alkalde sa isang wheelchair ng ilabas ito ng munisipyo.

Nagpalabas pa ang kampo ng mag-asawang Dumanjug ng mga video para patunayan ang kanilang mga alegasyon.

Sa isang bahagi pa ng pagdinig, lumitaw ang tila pagsisinungaling ni Police Major Richel Sumagang, ang hepe ng pulisya ng bayan, ukol sa mga naging kaganapan.

Ipagpapatuloy ng komite ang pagdinig bukas.

 

Read more...