Nakaalis na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Egay (international name: Doksuri) kaninang alas-8 ng umaga, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa 11am weather bulletin, huling namataan ang bagyo sa distansiyang 255 kilometro kanluran ng Itbayat, Batanes taglay ang lakas ng hangin na 150 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugso na aabot sa 185 kilometro kada oras.
Gayunpaman, masasakop pa rin ng epekto ng bagyo ang ilang bahagi ng Hilagang Luzon.
Nakataas ang Signal No. 2 sa Batanes, hilagang bahagi ng Cagayan kasama ang Babuyan Islands at hilagang bahagi ng Ilocos Norte.
Samantala, Signal No. 1 sa Pangasinan, La Union, Ilocos Sur, natitirang bahagi ng Ilocos Norte, natitirang bahagi ng Cagayan, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Abra, Benguet, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, hilagang bahagi ng Aurora, hilagang bahagi ng Nueva Ecija, at hilagang bahagi ng Tarlac.
Nagbabala ang PAGASA ng malakas na buhos ng ulan sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Batanes, at Babuyan Islands.