Sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na base sa ikalawang pag-uulat sa bansa kahapon, napatunayan lamang ni Pangulong Marcos Jr., na batid niya ang tunay na kalagayan ng bansa at kung ano ang mga dapat gawin.
“The country is in good hands. With that, our people can expect better days ahead. I completely agree with him that the state of the nation is sound, and that it is improving,’’ ani Zubiri matapos mapakinggan ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos Jr., sa Batasan Pambansa.
Naniniwala din ang senador na batid ng Punong Ehekutibo ang kanyang mga nagawa sa unang taon ng kanyang termino at nailatag nito ang mga gagawing hakbang ng kanyang administrasyon.
Una aniyang napagtagumpayan ng administrasyon ay maibaba sa 5.4 percent ang inflation noong nakaraang buwan mula sa 8.7 percent noong unang buwan ng taon.
Pinuri din niya ang mga balakin ni Pangulong Marcos Jr., sa sektor ng agrikultura at produksyon ng mga pagkain, gayundin ang pagpapalawig ng Kadiwa Centers sa ibat-ibang bahagi ng bansa.
Dagdag pa ni Zubiri nakahanda din siyang itulak sa Senado ang pagbuo ng Department of Water Resources (DWR) na ipinakiusap ni Pangulong Marcos Jr., na gawing prayoridad.