Bagyong Egay posibleng umabot sa “super typhoon” category
By: Jan Escosio
- 1 year ago
Napanatili ng bagyong Egay ang kanyang lakas habang patuloy na kumikilos sa direksyon na Hilaga-Kanluran.
Base sa inilabas na 5am Tropical Cyclone Bulletin No. 4 ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa distansiyang 815 kilometro silangan ng timog-silangang Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 55 kilometro/oras malapit sa gitna at bugso na aabot sa 70 kilometro/oras.
Kumikilos ito sa bilis na 10 kilometro kada oras.
Tinatayang iaangat ito sa “tropical storm” category ngayon araw at unti-unting lalakas hanggang sa umabot sa “super typhoon” category Martes o Miyerkules habang nasa Philippine Sea silangan ng Extreme Northern Luzon.
Sa Lunes, posibleng ang malakas na buhos ng ulan sa Catanduanes.
Maari nitong paigtingin ang habagat ngayon weekend hanggang sa susunod na linggo.
Bukas ay maaring maging maulan sa Western Visayas at sa Lunes ay posible na maulan sa Western Visayas, Occidental Mindoro, at sa hilagang bahagi ng Palawan kasama na ang Calamian Islands.
Ayon pa sa PAGASA, malakas ang magiging buhos ng ulan sa bulubunduking bahagi ng mga nabanggit na lalawigan kayat may babala ng pagbaha at pagguho ng lupa lalo na sa mga natukoy na “hazard areas.”