Ngayon pangalawang taon na sa puwesto ni Pangulong Marcos Jr., sinabi ni Senate President Juna Miguel Zubiri na umaasa siya na matututukan naman ang presyo ng mga pagkain.
Aniya bilang gumaganap na kalihim din ng Department of Agriculture (DA), kailangan tiyakin ng Punong Ehekutibo ang sapat na suplay ng mga pagkain sa bansa, bukod pa sa maging abot-kaya ng lahat ang presyo ng mga ito.
Hinihikayat ni Zubiri si Pangulong Marcos Jr., na palakasin ang sektor ng agrikultura at iangat ang buhay ng mga magsasaka.
Ayon pa sa senador kung mapapababa ang presyo ng mga pagkain mas mararamdaman ang pagbaba na ng inflation rate sa bansa.
At kung kakailanganin naman na mag-angkat ng mga pagkain kailangan na siguruhin na protektado ang interes ng nabubuhay sa sektor ng agrikultura.
Sinabi na lamang din ni Zubiri na kailangan din ng sapat na panahon ni Pangulong Marcos Jr., para mapatakbo ng maayos ang kagawaran.