Dumadaming POGO-related crimes nais ni Gatchalian na ipasilip sa Senado

 

Nababahala si Senator Sherwin Gatchalian sa dumadami pang krimen na iniuugnay sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Bunga nito naghain siya ng resolusyon para maimbestigahan ang mga insidente, kabilang na ang human trafficking at kidnap-for-ransom.

“Ang pagtaas ng bilang ng mga krimen na may kaugnayan sa POGO ay nangangailangan ng masusing pag-aaral ng mga polisiya ng bansa sa POGO at pagsusuri kung ang mga benepisyong pang-ekonomiya ay higit pa sa aktwal na gastos kung susumahin ang pangkalahatang epekto ng pananatili dito ng mga kumpanya ng POGO at kanilang mga accredited na service provider,” paliwanag ni Gatchalian matapos ihain ang Senate Resolution No. 679.

Binanggit pa nito ang pahayag ng pambansang-pulisya na maaaring may mga kriminal sa ibang bansa na pumasok sa Pilipinas at ngayon ay nagta-trabaho na sa POGOs.

Sa kanyang resolusyon, paliwanag ng senador, kailangan ay mahimay ang kapangyarihan ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) na i-regulate ang industriya gayundin ang kakayahan ng iba pang kinauukulang ahensiya upang matigil na ang mga krimeng may kinalaman sa POGO.

“Ang patuloy na operasyon ng mga negosyong may kinalaman sa POGO, na talamak na naghahasik ng krimen, ay paglapastangan sa ating mga batas at nagdudulot ng masamang reputasyon sa bansa,” diin ni Gatchalian.

Read more...