Senate hearing sa ICC probe tuloy – Tolentino

Sa kabila ng pagbasura na ng Pre-Chamber ng Internation Criminal Court (ICC) sa apila ng gobyerno ng Piipinas, itutuloy ng Senate Committee on Justice and Human Rights ang pagdinig sa mga resolusyon na tumututol sa pag-iimbestiga sa war on drugs ng administrasyong-Duterte.   Ito ay sa kabila na rin ng anunsiyo ng Malakanyang na pangangatawanan na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas.   Sinabi ni Senador Francis Tolentino, namumuno sa nabanggit na komite, maaring makatulong ang patuloy na pagtalakay sa dalawang resolusyon para maipakita ang sentimyento ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso sa isyu.   Magugunita na naghain ng hiwalay na resolusyon sina Sen. Robin Padilla at Sen. Christopher Go na nagdedepensa kay dating Pangulong Duterte sa pag-iimbestiga ng ICC.   Samantala, si Sen. Jinggoy Estrada ay may hiwalay din na resolusyon sa layon nitong maglabas ng matinding posisyon ang Senado na kumukuwestiyon sa hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas.   Noong Abril sa pagdinig ng kanyang komite, tinangka ni Tolentino na makaharap ang mga taga-ICC ngunit hindi pala ipinadala ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang imbitasyon ng senador bilang pagtalima sa utos ni Pangulong Marcos Jr., na putulin na ang kaugnayan ng Pilipinas sa ICC.

Read more...