Mangangailangan ang Bureau of Corrections (BuCor) ngP400 billion para sa mga isinusulong na reporma, kasama na ang pagpapatayo ng mga bagong pasilidad.
Nabatid na kabilang sa balakin ni Bucor Dir. Gen. Gregorio Pio Catapang ang pagpapatayo ng 16 regional facilities, na may tig-isang pasilidad para sa mga lalaki at babae.
Binabalak din ni Catapang ang pagkakaroon ng hiwalay na mga pasilidad para sa mga nasentensiyahan sa mga karumaldumal na krimen .
Ang mga ito ay sa Fort Magsaysay Military Reservation sa Palayan City sa Nueva Ecija para sa Luzon, Camp Macario B. Palta sa Jamindan, Capiz para sa Visayas, at Camp Kibaritan sa Kalimantan, Bukidnon sa Mindanao.”
“The plan is to reconfigure prison facilities to accommodate only 2,500 persons deprived of liberty (PDLs) per facility,” ayon sa pahayag ng kawanihan.
Una nang ibinahagi ni Catapang na isang bahagi ng New Bilibid Prison (NBP) Reservation sa Muntinlupa City ay gagawing BuCor Global City para may mapaghugutan ng pondo ang kawanihan.
Bahagi din ng programa ang konstruksyon at rehabilitasyon ng Iwahig Prison and Penal Farm sa Palawan; Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro; San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga City; Leyte Regional Prison sa Abuyog, Leyte; at Davao Prison and Penal Farm sa Panabo, Davao Province.
Kabilang din sa plano ay ang paglilipat ng ilang bilanggo sa maluluwag na pasilidad ng BuCor at ito ay nasimulan na ng paglipat ng 500 preso mula sa NBP patungo sa Iwahig kamakailan.
Ikinakasa na rin ang Oplan Bilis Laya o ang mabilis na pag-proseso sa mga bilanggo na maari nang makalaya.