Resolusyon sa “bullying” ng China patitindihin, ilalabas ng Senado

SENATE PRIB PHOTO
Magpapasa ang Senado ng mas matapang na resolusyon ng pagkondena sa patuloy na panghihimasok at pambu-bully ng China sa Pilipinas. Ayon kay Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri, ito ay parte pa rin ng naunang resolusyon ni Sen.Risa Hontiveros na humihimok sa gobyerno na idulog sa United Nations General Assembly (UNGA) ang nasabing isyu. Sinabi pa ni Zubiri na gamitin dapat ng gobyerno na pang-suporta ang mga larawan at videos ng mga maling gawain ng China sa West Philippine Sea. Aniya, magiging bahagi ng “whereas clauses” ng resolusyon ang mga matatapang na salita na nagpapahayag ng pagkondena, pagkadismaya, at galit na lumabas din sa naging resulta ng Pulse Asia survey tungkol sa pananaw ng mga Pilipino laban sa China. Sinabi pa ni Zubiri na 95 porsiyento ng mga senador ang nagkakaisa pagdating sa pagkondena sa aniya’y unti-unting pagsakop ng China. Tiwala si Zubiri na bukas si Hontiveros sa pag-amyenda sa kanyang inihaing resolusyon at hindi na kailangang maghain ng panibagong resolusyon. Inaasahan na tatalakayin ang resolusyon sa Martes, Hulyo 25, o isang araw matapos ang ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Marcos Jr.

Read more...