Panukalang reporma sa income tax, inaasahang magiging batas sa Duterte admin
Umaasa si Marikina Rep. Miro Quimbo na magkakaroon na ng katuparan ang inaasam na pagsasabatas ng panukalang reporma sa income tax sa Duterte administration.
Ayon kay Quimbo, malaki ang tsansa na agad na maisapasa ang Individual Income Tax Reform dahil sa pagpapahayag ng suporta rito ng Duterte government.
Aniya, mahabang panahon din niyang ipinaglaban ito sa kongreso, katuwang ang counterpart sa Senado at authors ng panukala.
Dagdag ng kongresista, na chairman ng Ways and Means Committee noong 16th Congress, marami na silang pag-aaral at pagtalakay na ginawa para i-update at i-adjust ang income tax brackets at pababain ang corporate at individual tax rates.
Tiniyak naman ni Quimbo na ang reporma sa income tax ang unang panukala na kanyang ihahain sa 17th Congress.
Ani Quimbo, masyado nang unfair para sa ordinaryong tax payers ang mataas na income tax rate.
Layunin ng reporma sa tax system sa bansa na matulungan ang individual tax payers, partikular ang mga middle class at minimum wage earners, upang magkaroon sila ng mas malaking take home pay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.