Koko sinabing tiyak na hahamunin ang MIF sa Korte Suprema
By Jan Escosio July 19, 2023 - 07:10 AM
Nakatitiyak si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na makukuwestyon ang Maharlika Investment Fund (MIF) Act sa Korte Suprema.
Ayon kay Pimentel, ang estado sa pamamagitan ng MIF ay hindi makatwirang masasangkot sa mga aktibidad pang-ekonomiya na posibleng mapanganib sa pamumuhunan at sa ekonomiya ng bansa. Dagdag pa ng senador dahil sa hindi malinaw na pinagmulan ng ideya ng paglikha ng MIF, minadaling pag-apruba at ang kalabuan mismo ng nasabing batas, nakasisiguro ang senador na makukwestyon ito sa korte. Inilatag na rin nito ang mga maaring pagbasehan ng petisyon na ihahain sa SC tulad ng depektibong presidential certification, hindi pagpapakita ng economic viability, paglabag sa due process, paglabag sa BSP Independence, at ang orihinal na panukala na pinagtibay ng Kongreso ay hindi ang batas na siyang nilagdaan ng Pangulo. Giit ni Pimentel, ang batas ay isang hindi magandang ideya, hindi magandang desisyon at hindi maayos na batas. Aniya, kung wala ang kinakailangang surplus o sobrang pondo na dapat taglay ng MIF ay hindi malabong mas lalo pang tumaas ang utang ng bansa na ngayon ay nasa P14.1 trillion.Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.