Naging matagumpay ang pagsasagawa ng earthquake drill kahapon. Ayon kay MMDA spokesperson Goddes Hope Libiran, mas maraming tao ang nakilahok sa mga close-to-real scenarios ng mga pinsalang maaring idulot ng isang malaking lindol.
Naging mas malaki rin ang ikalawang Metro Manila Shake Drill kumpara sa noong nakaraang taon dahil tinatayang nasa 6.5 milyon ang nakilahok kahapon.
Sa social media pa lang ay naging patok rin ang #MMShakeDrill dahil nagtrending ito at umabot sa 3.5 billion ang naging reach nito o iyong kabuuang bilang ng mga taong nag-tweet o nag-post tungkol dito.
Kasama sa mga naging simulation ang pagpatay sa sunog, mass evacuation, high-angle rescue, debris cleaning at looting.
Kabilang naman sa mga scenarios kahapon ay ang pagbagsak ng Guadalupe Bridge, MRT station na malapit doon, pagguho ng mga airport towers, at looting sa mga malls.
Naniniwala naman si NDRRMC Executive Director Alexander Pama na ang ginawang earthquake drill ay magbibigay ng sapat na awareness sa mga mamamayan para malaman nila kung anong gagawin sakaling may tumamang kalamidad.
Hindi lang sa Metro Manila isinagawa ang earthquake drill kundi pati ang mga kalapit at malalayong probinsya sa buong bansa.