Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na sapat ang bilang ng mga bibiyaheng pampublikong-sasakyan sa Metro Manila at iba pang lugar kasabay ng ikakasang tatlong araw na tigil-pasada ng ilang transport groups.
Ang transport strike ay isasabay sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos Jr., sa susunod na Lunes, Hulyo 24, at tatagal hanggang Hulyo 26.
Sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, dalawa hanggang tatlong ruta lamang sa Metro Manila ang maaapektuhan.
Aniya mag-aalok ng libreng sakay at aniya nakikipag-usap din sila sa ibang transport groups na maglagay ng units sa mga naturang ruta upang hindi lubos na maapektuhan ang mga komyuter.
Dagdag pa ni Guadiz na patuloy ang paki-usap nila sa grupong Manibela upang hindi na ituloy ang binabalak na tigil-pasada.
Sinabi pa ng opisyal na pitong malalaking jeepney groups ang nagsabi na hindi sila lalahok sa tigil-pasada.
Ang PUV Modernization Plan pa rin ang isa sa mga pangunahing dahilan kayat nag-anunsiyo ng tigil-pasada ang Manibela.
.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.