DICT secretary at PSC chair, itinalaga na ni Duterte
Mayroon nang itinalaga si incoming President Rodrigo Duterte na kauna-unahang magiging kalihim ng Department Information and Communications Technology (DICT), sa katauhan ng datin niyang ka-eskwela.
Inanunsyo ng Globe Telecom na ang kanilang dating Senior Vice President for Corporate and Regulatory Affairs na si Atty. Rodolfo Salalima ang magiging kalihim ng bagong kagawaran ng gobyerno.
Si Salalima ay nagtapos rin ng abogasya sa San Beda College, tulad ni Duterte.
Sa ngayon, si Salalima ay nanunungkulan bilang presidente ng Philippine Chamber of Telecommunications Operators, Inc. (PCTO), Board Director ng Telecoms Infrastructure Corp. of the Philippines, at miyembro rin ng executive committee ng National ICT Advisory Council.
Dati na rin siyang naging board director at Corporate and Chief Counsel ng Radio Communications of the Philippines.
Samantala, magbabalik naman si William “Butch” Ramirez sa Philippine Sports Commission bilang chairman dahil tinanggap na niya ang alok ni Duterte para ipagpatuloy ang sports development programs ng bansa.
Una na siyang tumanggi sa alok na ito dahil na rin sa mga kasong administratibong isinampa laban sa kaniya pagkatapos ng kaniyang termino, ngunit aniya, malapit sa puso niya ang sports, at nangakong haharapin niya ang mga kasong ito. / Kabie Aenlle
Excerpt: Kaklase ni Duterte ang uupong bagong kalihim ng DICT.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.