Gagamitin na rin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga persons deprived of liberty o mga bilanggo sa programang magkaroon ng food security.
Ito ay matapos lagdaan ng Department of Justice at Department of Agriculture ang Memorandum of Agreement na Reformation Intiative ofr Sustainable Environment for Food Security o RISE Project.
Sa ilalim ng programa, magtatanim ang mga bilanggo palay, mais at mga gulay sa mga nakatiwangwang na lupang nasa ilalim ng DOJ at BuCor.
Mag-aalaga rin ang mga bilanggo ng mga hayop tulad ng baka at pati na rin mga isda tulad ng tilapia.
Isa sa mga lugar na nakikitang gamitin ng programa ang 500 ektaryang bahagi ng lupain ng Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa, Palawan.
Sabi ni Pangulong Marcos, ang proyektong ito ay magbibigay oportunidad sa mga bilanggo na mailabas ang kanilang potensiyal para sa positibong pagbabago at reformation.
Isang patunay din aniya ito ng hindi matatawarang commitment ng gobyerno para sa food security kasabay ng tinatawag na rehabilitated justice.
Binigyang diin ng Pangulo na maliban sa food security, kakambal din nito ang target ng pamahalaan na zero hunger.
Ayon pa sa Pangulo, ang proyektong RISE ng DOJ at BuCor ay maituturing na nagsusulong ng humanitarian causes, rehabilitation at reintegration ng mga bilanggo.