P18-M halaga ng kagamitan, gadgets isinahog sa infra project contracts, PPA pinuna ng COA
Sinita ng Commission on Audit (COA) ang Philippine Ports Authority (PPA) sa pagsasama ng pagbili ng ibat-ibang kagamitan sa pagkasa ng mga proyekto.
Sa ulat ng COA, 2021 hanggang 2022, nadiskubre na isinama ng PPA ang pagbili ng desktop computers, laptopds, camera at speakers at iba pa sa kontrata ng mga proyekto.
Nabunyag din sa pagsasagawa ng audit ang pagbibigay ng 19 kontrata para sa dredging at infrastructure projects noong nakaraang taon kung saan nakapaloob ang pagbili ng mamahaling mobile phones at computer tablets.
Tinukoy ng PPA na “reimbursable items” ang mga ito.
Ikinatuwiran ng COA na sa ganitong sistema ng PPA, lolobo ang halaga ng proyekto bukod pa sa magkakaroon ng “oversupply” ng mga kagamitan.
Pinagbilinan na ng state audit agency ang PPA na huwag isama ang pagbili ng mga kagamitan sa infrastructure projects at pagbilinan ang contractor na huwag isama ang mga ito sa “contract cost.”
Una nang napuna ng COA ang PPA sa pagkakaroon ng higit 100 sasakyan, na may kabuuang halaga na higit P200 milyon, na hindi rehistrado, walang official markings at walang plaka dahil sa maaring maireklamo ang ahensiya ng “unauthorized use of government vehicles.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.