Papayagan na ang mga broadcast network na mag-cover ng live sa inauguration ni President-elect Rodrigo Duterte sa June 30 sa Malacañang.
Sa kanyang paliwanag, sinabi ni incoming Communications Sec. Martin Andanar na pumayag si Duterte na request ng media na baguhin ang naunang pahayag na gawing off-limits sa mga mamamahayag ang kanyang panunumpa bilang susunod na pangulo.
Pero sinabi ni Andanar na magiging limitado lamang ang lugar ng media sa venue dahil masikip ang loob ng Rizal Hall ng Malacañang.
Nauna nang sinabi ng opisyal na 500 lamang ang magiging bisita sa June 30 dahil sa liit ng lugar.
Hindi rin tulad ng mga nagdaang inaugurals, wala na ang tradisyunal na vin d’honneur o magarbong reception.
Sinabi ni Andanar na isang simpleng diplomatic reception na lamang ang magaganap pagkatapos manumpa ni Duterte.
Wala rin daw aasahang mamahaling pananghalian ang mga bisita dahil mga simpleng pagkain lamang ang mga ihahanda sa June 30.