Naaresto ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang suspek sa pananambang sa isang online tabloid photojournalist sa lungsod noong Hunyo 29.
Kinilala ni QCPD director, Brig. Gen. Nicolas D. Torre III ang suspek na si Eduardo Almario Legazpi II, 31, residente ng Barangay Alabang sa Muntinlupa City.
Ayon kay Torre, pinaniniwalaang kabilang si Legazpi sa mga nagtangka sa buhay ni Joshua Abiad, photographer ng online Remate.
Magugunita na sakay si Abiad ng kanilang sasakyan kasama ang anim pang kapamilya nang paulanan ng bala ang kanilang sasakyan sa Corumi Street sa Barangay Masambong.
Nasugatan si Abiad, gayundin ang kanyang kapatid na si Renato, at dalawa pa nilang pamangkin, na may edad apat at walo. Nasawi ang isa sa mga batang biktima, samantalang tinamaan naman ng ligaw na bala ang 47-anyos na si Jeffery Cao.
Nakilala si Legazpi matapos pag-aralan ng mga imbestigador ang CCTV footages sa lugar kung saan nangyari ang krimen.
Nakuha sa suspek ang isang kalibre .45 na baril at isang granada.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.