Pinasasagot ng Ombudsman sina Lobo, Batangas Mayor Lota Manalo at asawa nitong si Vice Mayor Gaudioso Manalo sa reklamo laban sa kanila na paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Acr at sa Anti-Red Tape Act.
Base sa reklamo, hindi tinutugunan ng mag-asawang Manalo, gayundin ni Municipal Treasurer Leandro Canuel ang business permit renewal application ng Efren Ramirez Construction Corp., para sana sa pagpapatuloy ng operasyon ng kompaniya.
Nabanggit din sa reklamo na matapos manalo noong nakaraang eleksyon, nagpahiwatig diumano si Mayor Manalo ukol sa “grease money” para makakuha ng business permit at maipagpatuloy ng korporasyon ang dredging projects sa mga ilog sa Lobo.
Tinanggihan ito ng may-ari ng korporasyon at kasunod na nito ang mga sulat ukol sa paniningil sa mga bayarin na wala naman pinagbasehan na mga batas.
May pahayag pa diumano ang alkalde na ibibigay sa iba ang proyekto kahit hindi na dumaan sa public bidding.
Pinalitaw din na may resolusyon ukol dito ang konseho ng pamahalaang-bayan, ngunit naglaho ito nang itanggi ng mga konsehal gayundin ng punong barangay na may pinirmahan silang resolusyon.
Nakasaad din sa reklamo na ang dredging projects ay may pahintulot ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) aty alinsunod na rin sa iba pang mga patakaran at polisiya.
Hiniling sa reklamo na suspindihin ang mag-asawang Manalo, gayundin ang ingat-yaman ng bayan upang hindi maimpluiwensiyahan ang anumang isasagawang imbestigasyon.