Nais nina Senators Francis Tolentino at Jinggoy Estrada na ipagbawal ang pagpapalabas ng pambatang pelikulang “Barbie” sa Pilipinas.
Ikinatuwiran ng dalawang senador ang isang bahagi ng pelikula, kung saan naipakita ang “9-dash claim” ng China sa South China Sea, na anila ay paglabag sa sobereniya ng Pilipinas.
Ito rin ang pinagbatayan ng gobyerno ng Vietnam para i-ban sa kanilang bansa ang naturang pelikula.
“If the invalidated 9-dash line was indeed depicted in the movie Barbie, then it is incumbent upon the MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board) to ban the same as it denigrates Philippine sovereignty,” ani Tolentino.
Noong 2016, pinaboran ng International Arbitral Tribunal ang Pilipinas ukol sa isyu ng sobereniya at hurisdiksyon sa exclusive economic zone (EEZ) sa West Philippine Sea, na nagbasura sa “9-dash claim” ng China.
“Dapat lang ipagbawal ang pelikulang Barbie dahil ang pinakita nitong 9-dash line ay salungat sa katotohan at ipinawalang-bisa na ng arbitral ruling noong 2016 [The film Barbie should be banned because the nine-dash line it showed is contrary to truth and has already been invalidated by an arbitral ruling in 2016],” diin nito.
Samantala, sinabi naman ni Estrada na dapat ng magdesisyon ang MTRCB sa isyu.
“It may be a work of fiction but still, this is a very sensitive issue. It is contrary to our national interest and China has no historic rights in the waters within the nine-dash line…Matagal natin na ipinaglaban ito at dapat lamang na manindigan tayo sa mga usapin na may kinalaman sa soberanya ng bansa,” pagdidiin ni Estrada.