161 magsasaka sa Central Luzon nabigyan ng lupa

By Chona Yu July 05, 2023 - 08:24 AM
Natanggap na ng 161 agrarian reform beneficiaries (ARBs) ang titulo ng lupa sa Pampanga, Bataan at Bulacan. Ayon kay Atty. Luis Meinrado Pañgulayan, DAR Undersecretary for Policy, Planning and Research Office,   114 emancipation patents (EPs) at 76 certificates of land ownership award (CLOAs) na sumasaklaw sa kabuuang lawak na 105.515 ektarya sa tatlong lalawigan ang ipinamahagi sa mga magsasaka. Ayon kay Pañgulayan, ang pamamahagi ng lupa ay nakaangkla sa plano ni Pangulong  Marcos Jr. na bigyang kapangyarihan ang mga magsasaka at palakasin ang sektor ng agrikultura. “Ang mga EP at CLOA ay patunay na sila na ngayon ang may-ari ng lupang kanilang binubungkal na ibinigay ng gobyerno sa pamamagitan ng DAR,” pahayag ni Pañgulayan. Hindi lang aniya nakatutok ang ahensya sa pamamahagi ng mga lupa kundi sa pagbibigay ng suporta at serbisyo sa mga magsasaka. “Bilang mandato ng departamento, patuloy na ibibigay ang mga suportang serbisyo para sa mga magsasakang benepisyaryo kahit na matapos ang pamamahagi ng mga titulo upang makatulong sa pagpapagaan ng kanilang buhay,” dagdag ni Pañgulayan. Sa kaganapan, inihayag ni Pañgulayan na sa Hulyo 7, lalagdaan ng Pangulo bilang batas ang panukala na magbubura sa pangunahing utang at mga natitirang amortisasyon ng mga ARB sa buong bansa. Ang batas, na tatawaging New Agrarian Emancipation Act, ay sasakupin ang kondonasyon ng ₱57.557 bilyong utang ng mahigit 610,000 ARBs na nagbubungkal ng mahigit 1 milyong ektarya ng lupaing sakop ng repormang agraryo sa bansa. “Kapag nagkabisa ang batas na ito, ang lupa na naibigay sa inyo ay libre na po na ibibigay. Wala na kayong babayaran na utang pa. Ito ang pangarap ng ating mahal na Pangulo, ang magkaroon ang mga magsasaka ng tunay na kalayaan sa utang, tunay na kalayaan sa kahirapan,” ani Pañgulayan.

TAGS: agrarian reform, DAR, agrarian reform, DAR

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.