Itinuro ni Senior Citizen Partylist Representative Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes ang National Commission on Senior Citizen (NCSC) na may responsibilidad sa pagbalangkas ng implementing rules and regulations (IRR) para sa naisabatas na karagdagang P500 sa buwanang pensyon ng mga mahihirap na senior citizen.
Ani Ordanes mahigit isang taon na ang batas at aniya dapat ay naibigay na noon pang Enero ang karagdagang pensyon ngunit dahil wala pang naisusumiteng IRR ang NCSC ay hindi pa maibigay naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nailaan ng pondo.
Sa kasalukuyan ay may humigit kumulang apat na milyong mahihirap na senior citizens sa bansa na tumatanggap ng P500 monthly social pension.
Diin ni Ordanes malaking tulong na kung natatanggap na ng senior citizen ang dagdag-pensyon para ipambili ng kanilang mga pangangailangan, partikular na ang gamot.
Una nang inimbestigahan ng House Special Committee on Senior Citizens, na pinamumunuan ni Ordanes, ang mga nabunyag na sinasabing anomalya sa organisasyon at operasyon ng NCSC, na pinamumunuan ni Chairman Franklin Quijano.