Tumaas ang kaso ng tuberculosis sa bansa.
Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na 650 sa kada 100,000 na Filipino ang tinamaan ng TB noong 2021.
Mas mataas ito kumpara sa 533 kada 100,000 na Filipino noong 2020.
Pinakamataas na may kaso ng TB ang National Capital Region, Region IV-A at Region VI.
Base sa talaan ng DPH, nasa 433,746 ang partial data na may TB noong 2022.
Sabi ni Herbosa, karamihan sa mga tinamaan ng sakit na TB ang nahihiya na magpagamot sa barangay health center dahil sa stigma o pandidiri ng mga kapitbahay.
Marami rin aniya ang tinatamad na tapusin na ang paggagamot dahil kapag nakararamdam na gumaganda na ang pakiramdam ay tumutigil na sa pag-inom ng gamot.
Kasabay nito, sinabi ni Herbosa na iniksihan na ng DOH ang paggagamot sa TB. Sa halip na anim na buwan, ginawa na lamang ito na apat na buwan.