Ang mga mahihirap ang masasaktan sa plano ng Department of Finance (DOF) na patawan ng karagdagang buwis ang junk foods at matatamis na inumin.
Sinabi ito ng Sen. Raffy Tulfo sa katuwiran na sa mga naturang pagkain at inumin nabubuhay ang masa.
“Bakit pinagdidiskitahan ng BIR ang mga chichirya at nais nilang patawan ng buwis ang mga ito? This is very anti-poor!” diin ng senador.
Napaulat na plano ng DOF na patawan ng dagdag P10 ang bawat 100 gramo ng junk foods o ang mga pagkain na kulang sa nutrisyon.
Balak din ng kagawaran na patawan ng P12 dagdag buwis ang bawat litro ng “sweetened beverages” anuman ang uri ng pampatamis na ginamit.
Ang Department of Budget and Management (DBM) sinabi na dahil sa naturang plano, itinaas pa sa P5.768 trilyon ang panukalang 2024 national budget mula sa orihinal na P5.268 trilyon.