Shake drill scenario: Magnitude 7.2 na lindol tumama sa Metro Manila

Metro Manila shake drillNasunog na sasakyan, mga taong natabunan ng debris, nahulog sa ilog pasig, at naipit sa taxi na nabagsakan ng debris.

Ilan lamang ito sa mga sitwasyon na ipinakita sa bahagi ng EDSA-Guadalupe sa isinagawang Metro Manila shake drill.

Ang nasabing mga scenario ang ipinakita matapos ang hudyat ng kunwari ay pagtama ng magnitude 7.2 na lindol sa Metro Manila.

Isang lumang kotse ang sinunog, at mayroong mannequin na inilagay sa loob nito na siyang ni-resecue ng mga tauhan ng red cross at MMDA.

Mayroon ding taxi na kunyari ay nabagsakan ng debris, ang taong naipit sa loob nito ay sinagip.

Mayroon ding rescuers na tumalon sa ilog Pasig, para sagipin ang mga taong kunyari ay nahulog sa ilog. Naglagay ng mga mannequin sa ilog at ang mga iyon ang niligtas ng mga rescuers.

Samantala, sa bahagi ng Intramuros, Maynila, matapos ang pagtunog ng serena na hudyat ng pagtama ng malakas na lindol, sunod-sunod na nagdatingan ang mga truck ng bumbero at mga ambulansya.

Sa kalapit na Manila Hotel, naglabasan ang mga bisita at empleyado dahil kasama sa scenario ang mass evacuation sa nasabing hotel.

Naglabasan din sa kalsada ang mga empleyado at bisita ng Manila City Hall.

Sa Camp Aguinaldo, itinayo ang monitoring center kung saan tinanggap ang mga ulat at kaganapan sa isinagawang shake drill.

Sa nasabing monitoring center, kita ang mga kaganapan sa Metro Manila sa pamamagitan ng mga monitors na nakakunekta sa mga CCTV camera.

Sa San Miguel Heights Elementary School sa Valenzuela South District, mayroong 1,200 batang mag-aaral ang nakikisa sa shake drill.

Ayon kay Riza Escuvido, principal ng naturang paaralan, naghanda sila ng mga kagamitan kung saan may nakaantabay na stretcher.

Ang stretcher na ginamit ay kumot lamang na ipinulupot sa dalawang bakal, may mga hard hat, first aid kit, fire extinguisher, megaphone at mga pito.

Mayroon ding mga guro ng paaralan kung saan sinanay sa disaster preparedness at pagbibigay ng first aid.

Ang mga estudyante ay pinagdala ng improvised head gear na gawa sa floor mat, tinahi at itinatakip sa ulo ng mga bata.

Samantala, sa New Bilibid prison, nakilahok din sa shake drill ang mga preso.

Nag magsimula ang shake drill, sabay-sabay na nagsagawa ng duck, cover at hold ang mga preso at nagtungo sa basketball court ng NBP.

Pawang mga miyembro ng mga gang na Batang City Jail, Cuerna, Batman at Batang Mindanao ang nakilahok sa drill.

Tumagal ng 30-minuto ang drill sa loob ng NBP at pagkatapos ay pinabalik na sa kani-kanilang mga selda ang mga preso

Kasabay ng shake drill sa Metro Manila, mayroon ding ibang lalawigan ang nakilahok sa pagsasanay.

Read more...