Mas bumigat ang mga kinahaharap sa batas ni dating Maimbung, Sulu Vice Mayor Pando Mudjasan nang makipaglaban ang kanyang mga tauhan sa mga awtoridad noong Sabado.
Nagresulta ang engkuwentro ang pagkamatay ng apat katao, kabilang ang isang pulis.
Base sa ulat, alas-7:30 ng umaga nang magsimula ang pagpapalitan ng mga putok nang isilbi ng mga pulis sa bahay ni Mudjasan sa Barangay Bualo Lapid ang warrant of arrest.
Nang matapos ang barilan ala-5:30 ng hapon, nadiskubre na nakatakas na si Mudjsan.
Ang mga napatay ay tatlong tauhan ng dating pulitiko at isang Pat. Regim Gacod.
Labing apat naman sa bahagi ng awtoridad ang sugatan.
Pinaghahanap na ng batas si Mudjasan dahil sa multiple counts of murder, attempted murder, at illegal possession of explosives and firearms.
Pinaniniwalaan na dati siyang pinuno ng Moro National Liberation Front at sumusuporta sa Abu Sayyaf Group, bukod pa sa isinasangkot sa “firearms’ smuggling” at pagpapakalat ng droga.