UPDATE: 3 miyembro ng Abu Sayyaf patay, 16 na sundalo sugatan sa sagupaan sa Sulu

PatikulNasawi ang tatlong miyembro ng Abu Sayyaf habang 16 na sundalo ang nasugatan sa sagupaan na naganap sa Sitio Bud Duwa Bayho, Barangay Pansul, bayan ng Patikul, sa Sulu.

Ang sagupaan sa pagitan ng mga tauhan ng 32nd Infantry Battalion sa pamumuno nu Lt. Col. Ramon Flores at nasa 200 Abu Sayyaf members ay tumagal ng isa at kalahating oras.

Narecover umano ang katawan ng mga napatay na ASG members.

Maliban sa mga nasawi, may 10 ring sugatan sa panig ng mga rebelde.

Dinala naman sa Camp Navarro General Hospital sa Zamboanga City ang mga nasugatang sundalo.

Ang engkwentro ay bahagi ng nagpapatuloy na pagtugis ng mga sundalo sa mga miyembro ng Abu Sayyaf sa bahagi ng Mindanao.

Sa spot report ng Philippine Army, ang mga nasugatang sundalo ay kinilalang sina 2nd Lt. Nablo, Sgt. Balasa, Sgt. Flores, PFC Atay, PFC Baterna, CPL. Kilat, PFC Mintak, PFC Pendon, CPL Nuena, PFC Sarang, PFC Camases, PFC Dequina, PFC Cabiasan, PFC Pendo, CPL Lagrenia at PFC Dolorosa.

Una nang sinabi ng Armed Force of the Philippines – Western Mindanao Command na nag-dispatch sila ng MG 520 attack helicopters sa Sulu para suportahan ang mga tropa ng pamahalaan na tumutugis sa Abu Sayyaf.

May itinalaga ding aabot sa 5,000 sundalo para hagilapin ang Abu Sayyaf matapos ang dalawang magkasunod na pamumugot ng ulo sa kidnap victims na sina John Ridsdel at Robert Hall.

 

Read more...