Tatanggap ng P3,000 ang bawat kuwalipikadong opisyal at tauhan ng Department of Education (DepEd) sa pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng kagawaran.
Inaprubahan ni Vice President at Education Sec. Sara Duterte ang pagbibigay ng anniversary bonus para sa mga opisyal at tauhan na nakapag-serbisyo na ng isang taon.
Pinirmahan ni Duterte ang DepEd No. 11 s. of 2023 o ang Policy on the Grant of the Anniversary Bonus in the Department of Education noong Lunes.
Alinsunod na rin ito sa Administrative Order No. 322 na inusyu ng yumaong dating Pangulong Fidel Ramos, na nagsabi na ang founding anniversary ng DepEd ay tuwing Hunyo 23.
Paliwanag naman ng kagawaran ang anniversary bonus ay ibinibigay sa mga opisyal at tauhan ng mga ahensiya ng gobyerno na nagiriwang ng Milestone Years.
“Milestone years are defined as the 15th anniversary of the government agency and every 5th year thereafter,” ayon pa sa DepEd.