Taas-singil sa LRT sakit sa bulsa – Poe

Sinabi ni Senator Grace Poe na dapat ay pagbutihin at pagandahin muna ang serbisyo bago ang pagtaas ng singil sa pasahe.

Ayon sa senadora hindi dapat mauna ang pagtaas ng pasahe sa pagsasaayos ng serbisyo.

Katuwiran ni Poe masakit sa bulsa ang anumang karagdagang singil sa pasahe lalo na sa mga estudyante at ordinaryong manggagawa, na kapwa may limitadong budget sa kanilang pang araw-araw na gastusin.

Aniya sa bahagi ng LRT 1, na hawak ng pribadong kompaniya ang operasyon, inaasahan na mamumuhunan ito sa mas maayos na sistema para gumanda ang kita.

At sa LRT 2 naman, ayon kay Poe, bilyong piso ang subsidiya ng gobyerno dito kayat aniya sa deliberasyon ng budget para sa susunod na taon ay aalamin niya kung paano ginagasta ang pondo para sa benepisyo ng mga pasahero.

“Kung maganda ang serbisyo, dadami ang pasahero.  Nararapat lang na maramdaman nila ang ligtas, komportable at modernong train system sa bawat biyahe,” ani Poe.

Read more...