Bumagsak ang share prices ng mining at oil stocks sa pagsasara ng trading kahapon, Martes, ilang oras matapos tanggapin ni environment advocate Gina Lopez ang alok na maging DENR Secretary.
Nagsara ng mababa ng 4.09 percent ang share price ng naturang mga commodities kahapon bagamat naging mataas naman ng 1.33 percent ang trade index ng Philippine Stock Exchange kahapon.
Kabilang sa mga naapektuhan sa pagbulusok ng share prices kahapon ay ang Philex mining, Philex Petroleum Corp., Lepanto Consolidated Mining, Apex Mining at Manila Mining Corp.
Nalagasan ng 12.17 percent ang Philex Mining na hawak ng negosyanteng si Manny Pangilinan samantalang ang Philex Petroleum ay nabawasan ng 10.94 percent.
Bumagsak naman ng 7.78 percent ang halaga ng stocks ng Lepanto Mining at 6.67 percent naman ang nabawas sa Manila Mining Corp.
Hinala ng mga analyst, binitiwan ng mga mining investors ang kanilang mga stocks sa pangambang magkaroon ng mas ‘challenging’ na environment sa larangan ng pagmimina sa pagpasok ng Duterte administration at pag-upo ni Lopez bilang kalihim ng DENR.
Kahapon, pormal na tinanggap ni Lopez, na isang kilalang antiming advocate ang alok ni president-elect Rodrigo Duterte na pangunahan ang DENR.
Kasabay nito, nangako si Lopez na lilinisin ang kagawaran sa mga tiwaling opisyal sa oras na siya na ang manungkulan.