Pagtatayo ng mga imbakan ng palay at mais, ikinakasa ni Pangulong Marcos

By Chona Yu June 16, 2023 - 05:12 PM

 

Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Department of Agriculture na pag-aralan ang feasibility study sa panukalang pagtatayo ng silos o imbakan ng palay at mais.

Ito ay para matiyak na mayroong 30 araw na buffer stock ng palay at mais ang bansa.

Sa pakikipagpulong ni Pangulong Marcos sa Private Sector Advisory Council (PSAC) sa Malakanyang, inatasan nito sina DA Undersecretary Drusila Bayate at National Food Authority (NFA) Administrator Roderico Bioco na busisiin ang posibilidad ng pagtatayo ng rice and corn stations modules gamit ang mother-daughter o Hub and Spoke system.

“We should really look into it because it’s a successful program,” pahayag ng Pangulo.

Sabi ng Pangulo, naging epektibo na sa ibang bansa ang rice stations and modules para sa pag-iimbak ng palay.

Sinabi naman ni Aileen Christel Ongkauko ng La Filipina Uy Gongco Corp., at namumuno sa PSAC Agriculture group na ginagamit na ang naturang sistema sa China, United States at India.

Inirekomenda ng PSAC kay Pangulong Marcos ang pagtatayo ng mother-daughter stations para sa rice at corn storage sa buong bansa para matugunan ang Food Security Infrastructure Modernization Plan na programa ng administrasyong Marcos.

Sa panukala ng PSAC, 30 mother stations ang itatayo sa buong bansa.

Bawat mother station ay mayroong 10 daughter station modules na itatayo sa 30-kilometro ang layo mula sa main station.

Magsisilbi itong imbakan ng palay at mais sa loob ng 30 araw.

Sabi ni Ongkauko, maaring idaan sa Public-Private Partnership scheme ang programa dahil nagkakahalaga ang bawat mother station ng P5.7 bilyon kada isa o P170 bilyon para sa kabuuang proyekto.

 

 

TAGS: bongbong marcos, mais, news, palay, Radyo Inquirer, bongbong marcos, mais, news, palay, Radyo Inquirer

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.