Patuloy ang pagdating ng mga bulaklak at mass cards para sa yumaong dating Senate President Ernesto Maceda Sr., sa Mt. Carmel Church sa Quezon City.
Alas diyes kagabi nang dumating ang mga labi ng 81-anyos na dating senador na kilala sa bansag na Mr. Expose at Manong mula sa St. Lukes Medical Center.
Ngunit kaninang umaga lang nagsimulang dumating ang mga kaibigan ng pamilya Maceda para personal na makiramay.
Bukod kay Manay Marichu, ang biyuda ng dating senador, dumating na ang kanyang anak na si Manny, na siyang hinintay kagabi mula sa ibang bansa.
Sa maiksing panayam, nagpasalamat si Manny sa mga nagpadala na ng kanilang pakikiramay.
Nabatid na sa darating na Huwebes ay dadalhin sa Senado ang mga labi ni Manong Ernie para sa necrological service dakong alas 4 ng hapon.
Sa Sabado naman ay ihahatid na sa kanyang huling hantungan si Maceda sa Loyola Memorial Park sa lungsod ng Marikina.
Isang malapit sa pamilya ang nag abiso na rin sa mga taga media kung saan lang maaring magsagawa ng interviews para hindi makaapekto sa mga nagpapahatid ng pakikiramay.