Focal person para sa senior citizens hiningi ni Tolentino sa DOH
By: Jan Escosio
- 1 year ago
Hinikayat ni Senator Francis Tolentino si Health Secretary Teodoro Herbosa na magtalaga ng isang opisyal na titiyak sa maayos na kapakanan ng senior citizens sa bansa.
“Mayroon ba po talagang in-charge para sa senior citizens? Ito yung tao na focal person natin para sa ating mga senior citizens?” tanong ni Tolentino kay Herbosa sa kanilang paghaharap sa kanyang programa sa radyo.
Noong Pebrero, inihain ni Tolentino ang Senate Bill No. 1799 o ang isinusulong na “Comprehensive Senior Citizen Welfare Act.”
Nakasaad sa panukala, na ang DOH sa pakikipag-ugnayan sa local government units (LGUs), non-government organizations (NGOs) at sa people’s organization (POs) ay dapat bumuo at magpatupad ng national health program at integrated health service para sa mga nakakatandang populasyon sa bansa.
Paliwanag nito, dapat ay magtalaga ng isang opisyal sa kagawaran na ang focus ng atensyon ay sa kalusugan at kapakanan ng mga Filipino na nasa edad 60 pataas.
Agad naman sinang-ayunan ni Herbosa ang posisyon ng senador.