Sampung Libong Pag-asa program magpapatuloy pagtitiyak ni Cayetano

Tiniyak ni Senator Alan Peter Cayetano na magpapatuloy ang programang Sampung Libong Pag-asa, na nag-ugat sa kanyang panukalang batas na magbibigay ng P10,000 tulong sa lahat ng pamilyang Filipino.

Ito ay sa kabila nang hindi pagkakapasa ng panukala.

“Maaaring sa ngayon po ay hindi pa naipapasa ang Sampung Libong Pag-Asa nationwide. Tingin ko po kasi na dapat three years — during and after the pandemic — kailangan pa iyan bilang booster at jumpstart sa inyong mga kabuhayan,” wika niya.

Unang inihain ni Cayetano ang 10K Ayuda Bill (House Bill No. 8597) sa 18th Congress kasama ng kanyang asawa, si dating Taguig 1st District Rep. Lani Cayetano, upang bigyan ang mga pamilyang Pilipino ng tulong sa kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng isang beses na tulong na nagkakahalaga ng P10,000.

Hindi isinama ng 18th Congress ang panukalang ito sa Bayanihan 3 COVID-19 package. Nang manalo si Cayetano sa Senado nitong 2022, agad niyang inihain sa 19th Congress ang Senate Bill No. 62 o ang Sampung Libong Pag-asa Law na itinutulak ang katulad na benepisyo.

“Having said that, dahil iba ang style ng gobyerno, may pera pero sa iba gusto idaan ang ayuda, ipinagpapatuloy natin itong programa sa pribado, through donations, at tulong ng mga kaibigan,” wika ni Cayetano sa programa noong Martes.

Sa kabila ng kawalan ng suporta ng gobyerno sa panukala, nakapagbigay ang Sampung Libong Pag-asa programa ni Cayetano ng cash assistance na nagkakahalagang P10,000 sa higit 16,000 pamilya sa loob ng dalawang taon simula noong Mayo 1, 2021.

Read more...