Unahin ang mga Pinoy sa Taiwan hindi ang US request sa Afghan refugees – Imee
Iginiit ni Senator Imee Marcos na unahin ang pagsasaayos ng evacuation plan ng mga Filipino migrant workers sa Taiwan sa halip ang hirit ng US na pagkukop ng Afghan refugees sa Pilipinas.
Ayon kay Marcos, ang evacuation plan ang dapat na prayoridad ay ang humanitarian at disaster response efforts ng bansa at ng U.S. sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement.
“Ang U.S. naghahanda na ng evacuation plan para sa mga Amerikano sa Taiwan, gayundin ang Indonesia para sa kanilang nasa 350,000 migrant workers,” ani Marcos. “Tayo ba nakahanda na o nakikisimpatya lang?
Nagpahayag ng pagdududa ang namumuno sa Senate Committee on Foreign Affairs Marcos sa pahayag ng Department of Foreign Affairs na mayroon nang naikasang komprehensibong evacuation plan para sa 150,000 Filipino domestic workers, mga caregiver, actory employees, at mga mangingisda kapag sinimulan nang sakupin ng China ang Taiwan.
“Walang detalye, walang drill. Nakapokus ang military exercises sa paghihiganti, hindi sa pag-rescue. Kailangan natin ng kasagutan kung paano titipunin ang mga OFWs sa gitna ng malawakang pagkukumahog na makaalis sa Taiwan. Anong flight o ruta ng barko ang ligtas para malampasan ang anumang military blockade? Anong sasakyan ang gagamitin, saan sila dadaong, at gaano kadalas silang ipadadala para masigurong mabilis at ligtas na maililikas doon ang mga Pinoy?” pagtatanong pa ni Marcos.
Diin ni Marcos, ang plano ng U.S. na relokasyon sa mga Afghan refugees sa ibang bansa gaya ng Pilipinas ay marapat lang na “hindi prayoridad sa atin.”
“Nagmadadali ang U.S. na bawasan ang kanilang backlog na mahigit sa 70,000 Afghans na humihingi ng special immigrant status noon pang August 2021, noong umatras na ang tropa ng mga Amerikano sa Afghanistan at palitan sila doon ng mga Taliban,” banggit pa nito.
Nabatid na sa Agosto, matatapos na ang dalawang-taong humanitarian parole na nagbibigay permiso sa Afghan refugees na tumira at magtrabaho sa U.S., kaya maaaring maging kumplikado ang sitwasyon kapag nabigong kumilos ang U.S. Congress.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.