Mapapabilis na ang paglaya ng mga bilanggo sa National Bilibid Prison (NBP) sa pagkasa ng Bureau of Corrections (BuCor) ng “Oplan Bilis Laya.”
Sinabi ni OIC-Deputy Director General for Operations and ODG-Head Executive Assistant Angelina Bautista nais nila na agad makalaya ang mga bilanggo na napawalang-sala ng hukuman para mabigyan ng hustisya ang kanilang pagkakabilanggo.
Isang paraan na rin ito, dagdag pa ni Bautista, upang mapaluwag ang mga kulungan at penal farms.
“This is in line with the marching order of Justice Secretary Crispin Remulla that justice delayed is justice denied,” aniy.
Ipinag-utos din ng opisyal ang “accounting” ng mga “overstaying PDL” sa pambansang-piitan matapos ang pagkakadiskubre na isang bilanggo na dapat ay nakalaya na noong nakaraang taon ay nananatili pa sa NBP dahil lamang sa dokumento.
“I want to know if there are similar cases like this, so we can rectify this. Things like this should not happen under our watch,” diin ni Bautista.
Samantala, pinangunahan ni BuCor Dir. General Gregorio Pio Catapang ang paggawad ng pagkilala at parangal sa 18 opisyal at tauhan dahil sa pagkakapigil sa tangkang pagpapalaya ng Abu Sayyaf Group ng ilang bilanggo sa Zamboanga City.
Ayon kay Catapang bahagi ng plano ay ang pambobomba sa lungsod bago itatakas ang ilang bilanggo mula sa San Ramon Prison and Penal Farm gamit ang dalawang speedboat kayat itinaas ang red alert sa naturang pasilidad.
Binigyan pagkilala din ang mga tauhan ng kawanihan na umaresto sa mga tumakas na bilanggo mula Hunyo 2022 hanggang Enero, ngayon taon.