50 toneladang pagkain at gamot, ibinigay ng UAE sa Mayon victims

(DSWD photo)

 

Nagbigay ang United Arab Emirates ng 50 tonelada ng ibat ibang uri ng pagkain at gamot para sa mga residente na apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon sa Albay.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, sakay ng Etihad Airways ang mga donasyon at dumating kaninang umaga, Hunyo 12 sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2, Pasay City.

Kasama ni Gatchalian na tumanggap sa donasyon sina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos,  Department of Transportation (DoTr) Secretary Jaime Bautista at DSWD Undersecretary Dianne Cajipe.

“We thank the UAE government and the Royal family for their generosity in sending the much-needed humanitarian aid for those affected by Mayon’s volcanic activities,” pahayag ni Secretary Gatchalian.

Sabi ni Gatchalian, si His Excellency Mohamed Obaid Salem Alqataam Alzaabi, UAE Ambassador to the Philippines ang nag-request na ipadala ang humanitarian aid mula sa gobyerno ng UAE para sa mga residente ng Albay.

Agad na ipinag-utos ni UAE President, His Highness Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan ang nag-utos na ipadala ang donasyon sa Pilipinas sa loob ng 24 oras.

“The UAE’s interior minister, who is a personal friend of DILG Secretary Benhur Abalos, also helped in the swift arrival of the humanitarian aid,” pahayag ni Secretary Gatchalian.

“Ang role ng DSWD, in 24 hours naman ay maipadala sa Mayon ang mga goods na ito…Sa Miyerkules ng umaga nasa kamay na ito ng mga kababayan natin na biktima ng Mayon,” pahayag ni Secretary Gatchalian.

Ayon kay Gatchalian, nagpadala na ang DSWD ng dagdag na 38,000 family food packs (FFPs).

“Nag-utos ang Pangulo kahapon (June 11), nag-usap kami noong umaga, na puwede ring pumasok sa financial assistance [ang DSWD]. Ide-determine pa namin ng provincial government [of Albay] kung magkano,” pahayag ng kalihim.

 

Read more...