PCG balak bumili ng malalaking drone

 

Target ng Philippine Coast Guard (PCG) na bumili ng malalaking drone.

Ito ay para mapalakas pa ang pagbabantay ng PCG sa maritime borders ng PIlipinas.

Sa pulong balitaan sa Quezon City, sinabi ni PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, kung mabibigyan ng pagkakataon, hihilingin ng kanilang hanay sa Kongreso na bigyan sila ng dagdag na pondo para makabili ng malalaking drone.

“Nakikita naman po ng mga mambabatas natin iyong ating tungkulin na ginagampanan ay napakalaki at kailangan talaga natin na madagdagan pa ng mga gamit para nang sa ganoon, iyong maritime domain awareness natin ay ma-sustain natin,” pahayag ni Balilo.

Pero ayon kay Balilo, nakapaloob na rin naman sa kanilang request ang remotely-operated vehicle (ROV) para makatulong sa oil spill response.

“Pati ROV, nga sinasama na namin sa budget, para sa mga oil spill response. Hindi na tayo tatakbo sa mga ibang bansa para alamin lang iyong nangyayari doon sa ilalim ng dagat pagka- may oil spill,” pahayag ni Balilo.

Sabi ni Balilo, nabuo ang plano ng pagbili ng drone matapos ang trilateral exercise kasama ang Japan at US US coast guards sa Mariveles, Bataan.

“Ang pinakabago pong technology na meron sila ay iyong mga drones. Malalaki iyong mga drones na kayang mag-patrol. Instead of the vessel and chopper na mauuna, ang pinauuna po nila ay drone pagka-nag-ooperate sila against smuggling and drugs,” pahayag ni Balilo.

“Kasi malaking bagay ito, malaking tulong ito, imagine-in mo pag nasa isang area kayo ng operations, mas mabilis makakaikot iyong drone,”  dagdag ni Balilo.

 

 

Read more...