Sapat na pondo at food packs inihanda na para sa mga apektado ng Bulkang Mayon ayon kay Pangulong Marcos

By Chona Yu June 10, 2023 - 12:33 PM

 

Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga apektadong residente ng nag-aalburutong Bulkang Mayon na sumunod sa mga utos at paglilikas ng local government units.

Sabi ng Pangulo, ito ay para masigurong ligtas ang lahat.

“Sa pagsasailalim sa probinsya ng Albay sa state of calamity dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon, pinapaalalahanan ang ating mga kababayang Bikolano na sumunod lamang sa mga rekomendasyon at evacuation instructions ng inyong lokal na pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan ng bawat isa,” pahayag ng Pangulo.

“Patuloy ang paglilikas sa mga pamilyang nakapaloob sa 6km permanent danger zone at pagdadala sa kanila sa mga evacuation centers,” dagdag ng Pangulo.

Tiniyak pa ng Pangulo na nakahanda ang gobyerno sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bigyan ng agarang tulong ang mga apektadong residente.

Nasa P114 milyong Quick Response Fund na aniya mula sa DSWD Central office ang nakahanda, P5 milyong standby fund mula sa DSWD Field Office Region 5, at 179,000 family food packs (FFPs) ang nakaposisyon na sa mga Disaster Response Centers.

May inihanda na rin aniya ang DSWD na P67.8 milyong pondo para sa mga DSWD field offices (FOs) na susuporta sa relief needs.

Nasa P1.04 bilyong halaga ng food at non-food items ang nakahanda sa National Resource Operations Center sa Pasay City, Visayas Disaster Resource Center, at DSWD FO warehouses.

“Dagdag pa sa mga preparasyong ito ay maaasahang patuloy ang koordinasyon at pagtutulungan ng bawat ahensya kagaya ng OCD (Office of Civil Defense), DA (Department of Agriculture), DOH (Department of Health), DENR (Department of Environment and Natural Resources), PHIVOLCS (Philippine Institute of Volcanology and Seismology), at iba pa,” pahayag ni Pangulong Marcos.

 

TAGS: Bulkang Mayon, dswd, Evacuation, Ferdinand Marcos Jr., news, Radyo Inquirer, Bulkang Mayon, dswd, Evacuation, Ferdinand Marcos Jr., news, Radyo Inquirer

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.